tuluy-tuloy na pagdaloy ng kamalayan
aral, basa, isip, saulo, aral, basa, isip, saulo….walang hanggang iikot ang utak mo sa kauulit ng mga gawaing ito; walang kapaguran ang mga mata sa pagbasa ng naglalanguyang mga salita, sumasakit na ang ulo mo sa mga nagkakandabuhul-buhol na mga impormasyon, namamaga na ang mga mata mo sa ikalawa,ikatlo, ikaapat na gabing walang tulog–alas singko na naman ng umaga. bakit ba pilit pa ring sinisiksik ang mga kaalaman mula sa isang buong dekada, milenyo, patungo sa isa pa–sa loob lamang ng dalawang oras–kung alam mo, sa isip isip mo, na singko din naman ang tuloy, tres kung susuwertihi’t kaaawaan ng Diyos sa kadadasal (sumasakit na ang tuhod sa kaluluhod at nagsusugat na ang mga daliri sa higpit ng pagkakadaup ng palad dahil alam mong Siya na lang ang pag-asa mo..). pero hindi, matigas ang ulo mo, kaya ko pa ‘to sabi mo. ganyan talaga ang tao kahit na sinasabing ayaw na, tuloy pa rin, kasi wala nang alam na ibang tutunguhan, ito lang ang alam na daan. hay, ang kawawang bata, pagdating ng takdang oras, halos mangiyak sa nakita: gaga! sa isang araw pa ang pagsusulit!